Graduation

I.

Mahilig siyang ikumpara.

“Ladies and gentlemen, dear parents, teachers, administrators, honoured guests” nililipsynch niya habang nagsasalita si Top 1 ng kanilang batch. Napatigil siya dahil sa kanya tumitig nang sinabi niyang “fellow batchmates … graduates!” Itinikom niya ang kanyang bibig habang tinititigan siya ng kanyang mga kasama sa sampung natatanging upuan sa harapan. Maraming nakapapansin sa toga niya, ang pinakamaputi sa lahat. Halatang-halata rin ang makapal na lei na nakabalot sa kanyang leeg, tila daig pa ang labing-apat na medalyang nagpapakuba kay Top 1. Kung sa bagay, dapat kahit sa huling araw ng kanilang mga buhay bilang high school students, ngayon pa ba magpapadaig ang katulad niya? Dapat agaw-atensyon, at umuubra naman simula pa kanina. Kaya naman hindi mahirap sitahin ang kanyang dubbing.

Halu-halong ingay mula sa pagtsitsismisan ng mga ale sa background ang sumalo sa sandaling pananahimik ni Top 1. Sumisitsit naman ang mga manong sa kani-kanyang mga batang tila kanina pa sinasaniban ng demonyo dahil sa sobrang init. Wala sa upuan ang mga titser, nagsisigawan sa kanilang kinatatayuan sa paghahanda ng mga blangkong diploma, at medalyang nababakbak ang gold, silver, at bronze. Habang nangyayari ang mga ito, umaandap-andap ang mga mata ng punung-guro, mga opisyales ng paaralan, dibisyon, ang buong kawani ng lokal na gobyerno, kahit ang guest speaker. Kahit pa ang mga langaw na sasalakay sa kanilang mga nakangangang bibig. Nagsilayuan naman ng tingin si Top 2 hanggang 7, at si Top 9 at 10 na katabi niya sa kanan, nagbubulungan.

“Good afternoon!” At napangibabawang muli ang buong sports complex ang boses ni Top 1. Nagpalakpakan ulit ang lahaat kahit wala pang inspiring, motivating message. Dahil dito, nakalunok ng mga langaw ang lahat ng nasa harap ng stage nang magulat sila sa lakas ng mga amplifier sa likod nila. Natumba ang isa at tinamaan ang mayor, ngunit hindi naman siya umaray ni kumibo.

Wala na ulit sa kanya ang tingin. Nagpatuloy si Top 1 sa pagsusuka ng mga salitang wala pa yatang nakadadampot sa diksyunariyo. Nagpatuloy rin naman siya sa paggaya ng kanyang bibig, at kung hindi niya maintindihan, gagayahin na lang niya ang pagnguya ni Top 1 ng bubble gum.

Walang anu-ano’y bumuhos ang dugo mula sa ilong ni Top 1. Biglang tumahimik ang lahat. Natapunan din ang kodigo ng valedictory address. Subalit itinuloy pa rin niya ang litanya niya tungkol sa kinabukasang hindi pa nararanasan ng kahit sino sa kanila at ang kahapong parang hindi naman seryosong idinudukdok ni Top 1 sa pag-aaral.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s