Graduation

III.

Walang patid pa ring tumutugtog ang Aida March. Sinusundan ng mga graduate ang nakikimartsang langgam na itim sa gilid ng red carpet. Sa wakas, ito na ang kanilang huling ulit na piliting maglakad sa isang tuwid na linya para lamang tumayo sa mga monoblock chairs na sabik na sabik na nilang maupuan. Sa wakas, hindi na mauulit ang Death March na laging nagaganap tuwing katanghalian kapalit ng kanilang lunch break.

Siyempre, para maging kapaki-pakinabang ang mga susunod na batch, naging emcee ang 3rd YearBest in Speech at Top-1-in-the-Making. Kanya-kanyang kulut-kulot na accent, slang, at pasikat sa lahat sa kanilang bonggang introduction, kahit simpleng “Next, the entrance of colors”. Paunahan din sila sa pagbanggit ng “acknowledging the presence of” habang lumalabas isa-isa angmga special guests. Sinalubong ng mga daga ang kanilang pagmartsa, na naging dahilan upang matuhog ng manipis na takong ni Gng. Division Supervisor ang dalawa sa mga ito, isa sa bawat paa. Ganito rin ang nangyari sa asawa ng Mayor, at sa punung-guro na pinag-aagawan din nina Best in Speech at Top-1-in-the-Making sa pagbanggit.

“Last but not the least, presenting our Top Ten Graduates! Let’s give them a round of applause!”

Mula sa malayo, nagsimulang naglakad ang sampung bulak na bagong pitas: ang mga togang mapuputi at magagaan sa ibabaw ng kanilang uniporme at mga palda’t pantalon na tila mga tangkay. Synchronized ang galaw ng mga kamay, braso, binti, at mga paa – maliban na lamang sa kanya. Ilang hakbang siyang nakaabante dahilan upang habulin ni Top 9 at Top 10 ang kanyang paglalakad. Sa pagmamadali niya, naapakan niya si Top 7. Iniangat ni Top 7 ang kanyang paa upang sapuin ito ng kanyang mga palad. Nagkagulo ang pilang iyon, nagkatabigan at nahulog anglahat sa likod ng kung sinong nasa harap, maliban na lang kay Top 1 na hinalikan ang red carpet na may bahid ng dugo ng mga dagang natapakan kanina, at napigtas ang kanyang medalya ng sampaguita.

Napatayo ang mga manonood at ang mga panauhing pandangal, ngunit nagsitawanan naman ang mga regular na graduate na nakatayo pa rin, hindi sigurado kung aalalayan ang mga natumba o mananatiling magtawanan. Hindi naman nagtagal, nakatayo na muli sina Top 1 hanggang Top 7 at itinuloy ang pagmamartsa. Hindi rin nila namalayan na nauna na siya sa paglalakad at nadatnan na lang nilang nakatayo sa pangalawang hanay, kung saan siya dapat nakapuwesto.

“Today marks the dawn of a new generation.”
“A milestone indeed.”
“You know, let’s get this program started.”
“WELCOME TO THE 2019 GRADUATION CEREMONY AND COMMENCEMENT EXERCISES OF SAN LUCAS SCIENCE HIGH SCHOOL!”

Dahil nagpapatalbugan nga, hindi magkasabay ang welcome ng dalawang emcee dahil sa magkaibang stress, intonation, at emphasis patterns. Nagpalakpakan ang lahat, at sa pag-aakalang maaari nang umupo, inunahan na ni Top-1-in-the-making ang lahat, “Please stand up for the doxology and the National Anthem.”

Sinubok iwasto ni Best in Speech ang linya, “Please remain standing.” Ngunit sinimulan na ng choir ang pagkanta ng “If our people, will humble themselves…”, a.k.a. ang walang kamatayang “Heal Our Land”ni Jamie Rivera, na simula nang magkaroon ng graduation ceremony labimpitong taon nang lumipas, walang ibang makaisip ng ibang ipakakanta sa choir.

“Iyan na naman, mare. Alam mo bang tuwing magtatapos ang panganay ko, ang unica hija ko, pati ba naman kay bunso, iyan at iyan pa rin ang pinatutugtog nila . Kahit kada tatlong taon lang akong dumadalo sa mga graduation nitong school, walang change! Sayang ang pagka-first honor –” at biglang napatigil ang nanay ni Top 4 na ngayon lang napansin ang kawalan ng pagbabago. Dinig na dinig niya ang boses ng nanay ni Top 4 kahit pa nasa harapan siya.

Halos mamula sa paghagilap ng hangin ang lead soprano at tenor sa mahabang birit ng “land”. At sa huli, iba na lang ang sumagip at hinabol ang mahinang huling bahagi ng kanta. May ilan-ilang magulang na pumalakpak at biglang napahinto nang pagtinginan sila ng lahat mula sa baba.

Bumalik muli ang tuon sa mga nagmamartsang COCC trainees para sa pambansang awit. Sa bawat pagtalsik ng laway ng core commander, umiilag ang mga nasaunang hanay ng choir, pati ang mikroponong natanggal sa mic stand at nahulog nang patiwarik dito. Sinimulan nang kantahin ang Pambansang Awit, at kanya-kanyang kamot ang ibang mga graduate gamit ang kanilang kaliwang kamay sa anit na pinapaligiran ng graduation cap. May iba ring humihikab, mag-unat, sinubok mag-ayos ng napilipit na garter at underwear na kinakain ng puwit.

Bago pa kantahin “ang mamatay nang dahil sa iyo”, ibinaba na ng mga graduate ang kanilang mga kanang kamay at nagsipag-ayusan ng kanilang mga mukha bago tuluyang maupo. Bago pa siya makaupo, dinampot muna niya ang brochure ng programa. Nang buksan niya ito nahulog ang iilang piraso ng ½ crosswise ang nahulog sa kanyang kinauupuan. Kinailangan pa niyang itulak ang upuan ni Top 4 upang mahatak ang mga papel. Sa lahat ng mga papel, sa bandang kanan ng unang bughaw na linya, nakasulat lamang ang:

“Quiz # 10, February 1
Mr. Dimaculangan”

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s