Tanghalian

Matagal na rin akong hindi nakauuwi ng probinsya. Buti na lang, sa bahay ng yumao kong lola magdiriwang ng ikapitong kaarawan ang aking pinsan. Matapos ang halos kalahating araw ng pagbibiyahe, nakarating din kami sa bahay kubong ibang-iba na ang hitsura. Bukod na rin siguro sa hindi ko pagbisita ng ilang taon, nilililiman ngayon ang kaharap na kalye ng malalaking dilaw na tent.

Balita ko, malaki ang ginastos ng tito at tita ko sa engrandeng cake, clown na mula pa sa ibang bayan, mga nirentahang bangko, mesa, at lalagyan ng handaan. Bukod pa rito, binayaran din pala ang mga umaawit at tumutugtog ng Pasyon tuwing Mahal na Araw upang putungan si Andrei. Siya ang nakaupo sa gitna ng tatlong upuan, katabi ang kanyang mga ate. Kaharap nila ang isang banig at ang mga matatandang babaeng nakatayo sa kanilang harapan. Nasa likod naman ang mga tumutugtog ng gitara at rondalla.

“…Santo naming minamahal, kami man din ay pagbigyan,
ngayo’t magpakailanman, ngayo’t magpakailanman…”

Nagpatuloy ang pagkanta sa loob ng halos tatlumpung minuto. Kasama na rito ang pagsasaboy ng bougainvillea, iris, at iba pang bulaklak sa banig. Lumapit ang mga kumakanta upang lumuhod at itapon ang mga bulaklak sa aking mga pinsan. Wala namang tigil ang clown sa pagpapaypay ng mga bula sa bubble machine, dahil generator lamang ang nagpapatakbo nito. Bilang pagtatapos ng seremonyas, nag-alay ng mga magkakapitbahay at kaming mga kamag-anak ng salapi. Isinabit ang mga ito sa pamamagitan ng pagturok ng aspili sa salapi at sa damit ni Andrei. May mga nagbigay ng lahat ng klase ng bills, mula P 20.00 hanggang P 1,000.00. Matapos ang seremonyas, inirolyo ang banig na may laman pang mga bulaklak, at saka ipinasok sa bahay. Kinunan muna kami ng litrato bago tuluyang tanggalin ng aking mga pinsan ang mga huwad na korona.

Dahil gutom na rin naman kaming mga bumiyahe, nagmadali kaming pumila sa mahabang mesang puno ng handa. Sumandok ako ng kanin. Kumuha ako ng kapiranggot ng ulam na maraming sahog na gulay. Kumuha rin ako ng tigdalawang kutsara ng iba pang sumunod na ulam hanggang makarating sa mga pinirito at inihaw. Dumampot ako ng mga maliliit ngunit malalamang piraso.

Nagmadali na rin akong tumungo sa malaking ice chest upang hanguin ang maliit na katawan ng Coke. Muntik ko nang malaglag ang hawak-hawak kong pinggan at kubyertos sa pagbukas ng tansan. Buti na lamang walang nakaupo sa katabing upuang monoblock at doon ipinatong ang hawak-hawak na handa. Doon na rin ako napaupo at nakapagsimulang kumain.

Matapos ang dalawang subo, nahirinan ako. Inabot ko ang Coke na inilapag ko sa sahig. Pagkalagok ko, may parang mabalahibong hayop ang naglakad sa ilalim ng aking upuan. Isang maliit na tuta, natatakpang bahagya ng kayumangging balahibo ang malaki at maitim na mga mata. Tinanong ko ang aking tita kung kaninong aso ang umiikot-ikot sa aking upuan, at ang sabi niya, anak raw ito ni Brownie. Kaya naman pala mukhang pamilyar, kahawig kasi ng tuta ang makulit ding si Brownie.

Upang hindi matapon o mabasag ng tuta, isiningit ko ang bote ng Coke sa pagitan ng aking mga hita. Matapos muli ang ilang subo,
nasamid ako. Habang nilalagok ko ang softdrink, dinilaan ako sa may hita ng tuta. Naalala kong muli si Brownie. Tinanong ko si Andrei, sabi niya.

“Kagabi pa man din po nawawala ang asong iyon.”

Binitiwan ko ang aking kinakain. Sa ilalim ng init ng araw, hinanap ko si Brownie. Pitong taon ko na siyang hindi nakikita.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s