Sulat

Nay,

Hindi na naman ako makauwi ngayong Linggo. O baka iniisip mong ayaw ko lang umuwi.

Imbis na umuwi ako at makasabay kayong apat sa pagsimba sa kapilyang may kalayuan sa paglakad, nandito ako, nakadungaw sa bintana, natatanaw ang buong Marikina na parang walang tao.

Minsan sinisisi ko rin ang sarili ko, oo, dahil responsibilidad kong manatili, manatiling hindi kayo kapiling. Minsan, sinisisi ko rin ang sarili ko sa mga naiisip kong iba pang dahilan kung bakit hindi ako makauwi. Tinatamad akong umalis, masyadong mabigat ang mga bibitbiting labahin at gamit, mahaba at nakapapagod ang biyahe. O pagdating ko sa bahay, baka wala naman talaga akong madatnan: kandado ang pinto at maghihintay ako hanggang madaling-araw bago pa dumating kayong lahat. O pagdating ko sa bahay, hindi ko magagawa nang maayos ang mga takdang-aralin, at parang paghuhugas lang ng pinggan sa bawat kainan ang talagang pakay ko sa pag-uwi.

Makasarili nga siguro. Pero, minsan, mas magandang umuwi na lamang at maging masaya sa natatanaw ko sa loob ng 32 sq. ft. ng lote na tinatawag kong tahanan. Minsan, kahit alam kong mas matigas ang kama, mas komportable akong nakatutulog sa bahay kaysa sa dormitoryo. Mas madaling makahanap ng kausap, mas madaling makagawa ng mga bagay na nais ko at hindi lamang dahil kailangan ko itong gawin.

Nasa bahay din lahat ng karangalan tuwing umuuwi ako. Lahat ba ng nakakikilala sa akin dito, pinupuri ako? Hindi naman. Pero sa bahay, iniiyakan ko ang mga sandaling pinagpaplanuhan na ninyo ang pag-aayos ng mga medalya naming magkakapatid. Ilalagay lahat sa tatlong piraso ng illustration board at sasabihing “Ito, maayos na, para mas makita ng lahat ng bumibisita”. Nagpapakahirap ding tumuntong si Tatay para lagyan ng pako ang mga dingding. Sa hilera ng mga larawan namin, may katabing “Best in Science Quiz Bee” para kay Danica, o “Certificate of Recognition” para kay John. At doon, sa mismong ibabaw ng pinto sa sala, nakasabit ang dalawang kuwadro, para sa mga tulang hindi ko inaasahang mananalo.

Kaya naman, laking tuwa ko tuwing may naiuuwi akong pera mula sa mga timpalak na sinasalihan ko. Oo, Computer Science major ako, pero dahil mahal ko pa rin ang pagtula, hindi ko binitiwan. Imbis na programming contest, ganoon ang inaatupag ko. Hindi ko alam kung karapat-dapat pa akong matuwa sa mga nagagawa ko, pero sa huli, masaya naman talaga ako. Ito ang mga panahong nais kong umuwi, ipakita at ipaalam sa inyo ang magandang balita, dahil alam kong sa bahay tiyak na may babati sa akin ng “Congratulations!” o “Magaling!”.

Uuwi ako, para lang mabura ang mga panlalait o pagmamaliit sa akin. Naaalala ko noong elementarya, kayo ang nagpapatahan sa akin sa tuwing nagsusumbong ako, na may kaklase na namang nagsabi sa akin ng lampa, pangit (lalo na sa kahabaan ng baba), bakla o walang kuwenta. “Di bale, basta matalino ka, basta may maiaakyat ako sa altar para sabitan ng medalya, pabayaan mo na lang sila.” At doon, doon ako nagsipag, doon ko sinimulang mag-aral, maging number one, maging valedictorian noong Grade 6 ako.

Pero noong high school, gabi na akong umuwi. Hindi lang dahil hanggang alas-singko ang klase ko, kundi, nahihiya akong umuwi dahil hindi na naaabot ang ekspektasyon ninyo. Wala ako sa top ten, ni walang Best in Something. Wala. Nahihiya akong umuwi dahil wala akong maipakitang napakagaling. Binawi ko man noong third year, at fourth year, iniisip ko pa ring may malaking pagkukulang. Hanggang ngayon, lalo na ngayon. Hindi man lamang ako dean’s lister nakaraang semestre. Sabihin man ng mga taong napakababaw ko, pero dahil alam kong may magagawa sana ako sa mga bagay na ito ngunit hindi ko ginagalingan, pinag-iigihan.

Bakit ba kasi ang laki ng pakialam ko sa pagkilala, sa pagiging magaling? Dahil natututo ako sa inyo ni Tatay. Kayo, nag-resign sa kompanya para lang maalagaan kami nang husto. Si Tatay, na umuuwi nang gabing-gabi na, na overtime, na minsanang may pasok sa Linggo (at dinadayo pa natin ang Las Pinas para lang makapagsimba ng sabay-sabay), na palaging tulog tuwing umuuwi dahil sa sobrang pagod. Nayayamot ako sa sarili kong parating may kulang sa mga ginagawa ko. Na hindi ko man lang kayo mapantayan sa pagiging masipag. Na hindi ako siguro karapat-dapat sa bawat pag-uwi ko.

Alam ko, dahil ako ang kauna-unahang nagkolehiyo sa pamilya. Alam ko, na kahit pa high school lang ang tinapos ninyo sa probinsya, may malaking bigat para sa akin. Kaya ko rin nga bang mapag-aral ang mga kapatid ko? Kaya ko rin nga bang magtrabaho sa hinaharap, na may overtime, na may iniisip na pamilyang uuwian para bigyan ng masarap na hapunan?

Mahal kita, nanay. Naaalala ko pa noong katabi kita sa taxi, namamaga ang iyong lapay. Umalis ako ng ospital para makabalik sa eskuwela. Babalikan kita, mahinang-mahina, at ang alam kong masakit ang paghiwa mula sa operasyon. Masakit na may mga bagay na wala na sa katawan. Pero sana, sa tuwing uuwi ako, sa pagbubunot ko ng puting buhok mula sa ulo ninyo, sa paghalik at pagsabing “I love you Nanay” nang walang dahilan, sana maibsan ang sakit. Sana napupunan ang kakulangan. Sana, kahit ganito ako ngayon, karapat-dapat pa rin akong umuwi.

Sa susunod na Linggo, uuwi ako.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s