Kinatawan ng mga Katawan

Sa pagbabasa ko ng “Film Bodies: Gender, Genre, and Excess” ni Linda Williams, at dahil nakapaloob ang mga diskusyon ukol sa pornograpiya sa isang kontekstong Filipino, malaki ang potensyal na pagtutugma ng mga nabanggit na paglalarawa sa bawat uri ng film bodies sa naging kasaysayan ng mga pelikulang pornograpiko, pangkatatakutan, at melodrama sa Filipinas.

Sapagkat madaling matandaan ang mga katawan (o ang mga bahaging mahahalaga), madali ring matandaan ang mga kumakatawan sa mga ito. Marahil dito na rin sa proseso ng paghahanap ng mga espesyalisyasyon (magaling umungol sa pornograpiya, sumigaw sa katatakutan, at humagulgol sa melodrama), nagiging sikat ang bawat kinatawan ng mga uri ng film bodies, at wari hinahanap-hanap sila na ng mga manonood sa mga susunod pa nilang mga pelikula. Sa konteksto nating mga Filipino, bilang isang kulturang tumatangkilik nang lubos sa kung anumang ipinapalabas ng media, madaling sumikat ang mga aktor at aktres na kilala sa kanilang ginagawa sa mga eksena, at sa huli, nakabubuo sila ng kani-kanilang fans club. Pinaniniwalaan na rin at ipinagtatanggol ng mga fans nila ang kanilang mga sinasabi, sapagkat sinusundan ng mga mata ang kanilang mga katawang humihingi ng atensyon.

Bilang pagbibigay-halimbawa lamang sa huling dalawang uri ng film bodies, kilala si Lilia Cuntapay, na siyang nagiging dakilang ekstra sa mga pelikulang katatakutan bilang aswang; si Kris Aquino bilang babaeng nababalutan ng isang masamang kapalaran dulot ng mga pamahiin; si Gina Pareño bilang nangungulilang ina, napaglipasan na ng panahon, halos baliw sa kapalarang kanyang sinapit, at si Vilma Santos na kayang umiyak on queue at halos timba kung makaiyak sa mga melodramatikong mga eksena.

Marami pang maaaring idagdag sa mga halimbawa kanina sa kani-kanilang uri, at ganito na rin ang kaso ng pornograpiyang Filipino. Kung tutuusin, napakaraming nagdaan nang mga bomba at sexy stars. Nariyan sina Aubrey Miles, Rica Peralejo, Rufa Mae Quinto, ang mga nagpapalit ng kanilang mga totoong pangalan upang bumuo ng mga grupo (Kuhdet Honasan, Trixie Trillanes; Sarsi Emmanuelle, Pepsi Paloma). Subalit mayroon nga bang natatanging kinatawan sa buong kasaysayan ng pornograpiya?

Una kong naisip kasi si Rosanna Roces, yaman din lamang na nagbabasa ako kanina ng “Narcissus” ni Mark Cayanan, na siyang naging cover photo ng kanyang koleksyon ng mga tula. Kung gayon, nagkaroon ng halaga ang pagpili sa kanya sa lahat ng maaari pang gawing cover photo tulad nina Dina Bonnevie, Linda Lovelace, Greta Garbo, at iba pa. Saka ko rin naalala ang pinakaalam kong pelikula niya, “Ligaya ang Itawag Mo sa Akin”. Natatandaan ko ito sapagkat mapang-akit sa akin ang dating ng pamagat, tumatawag-pansin, ika nga. Bagaman hindi ko na maaalala ang naging kuwento, hindi ko kailanman maaalis ang alaala ng kanyang katawan: ang maputing kutis, ang magagandang hugis ng kanyang hubog, ang mapupungay na mata, at ang napakapulang tato ng rosas. Naaalala ko siya sa ganitong paraan, sapagkat dinala ng kanyang katawan kung anuman ang nais niyang iparating kung bakit kailangang “ligaya” ang itawag mo sa kanya, at hindi sa iba pang pangalan. Sapagkat umiikot sa konsepto ng pleasure principle ang ligaya, ang katuparan ng mga hiling ng kanyang mga manonood, nagiging representatibo ang kanyang gana. Tulad na rin ng mga wet films, naaalala ko rin ang isang basang Rosanna: aahon sa kanyang paliligo upang ipakita ang kanyang balat sa likod ng nabasang manipis na tela.

Isa na rin sa mga katangian ni Rosanna ang paggawa niya ng mga eskandalo at kontrobersiya. Kasama rin kaya ang pagkakaroon niya ng bad girl image sa pagsikat? Isa kasi sa mga maaaring dahilan ang pag-angkop ng pag-uugali ng isang sexy star sa kanyang papel bilang obhetong pornograpiko, ang pagtaliwas sa kung anuman ang malinis at mabuting babae. May katotohanan din naman dito sapagkat bumubuo siya ng alingawngaw sa lipunang nakatutok sa media, at kung higit na matindi ang kanyang ginawang ingay, higit siyang mapag-uusapan ng maraming tao. Dahil puhunan niya ang kaniyang katawan upang humatak ng atensyon, maaari na rin niyang gamitin ito sa iba pang paraan. Kahit sa dalang ng panonood ko ng telebisyon dahil sa pagiging abala sa buhay-kolehiyo, madadatnan kong hurado si Rosanna ng Showtime, at umani siya kaagad ng batikos at kritisismo sa pagkuwestiyon niya sa kakayahan ng mga guro upang magturo, dahil lamang sa pagtatanong niya kung saan ipinanganak si Rizal.

Ngunit, inisip ko rin: akma ba si Rosanna Roces sa buong kasaysayan ng pornogprapiyang Filipino? Nakapaghuhusga ba ako ng patas, o sariling pagpili ko lamang ang aking iniintindi? Babalikan kong muli na isa lamang ang pipiliin kong kinatawan ng pornograpiyang Filipino. Kailangan nga bang magtakda ng pamantayan? Kung sa personal na antas, oo, si Rosanna na yata ang una at huli kong maiisip na sagot, subalit, hindi na ito magiging totoo para sa iba pang manonood ng mga pelikula kagaya ko. Paano na ang “Year of the Anne”? Wala bang karapatan si Coco Martin bilang maging kinatawan sapagkat hindi siya babae? Sa tingin ko, mauuwi na naman tayo sa usapin ng panlasa, na maaari lamang makapagtakda ng kung anumang pamantayan sa pagiging kinatawan ng mga genre ng pelikula. Maisasakatuparan lamang ito sa pagsang-ayon ng isang espesipikong grupo o kultura, at panahon o henerasyon.

Sa huli, kahit sabihin kong puro Rosanna na lamang ako ng Rosanna, hindi ko pa rin maitatanggi ang iba pang magagaling na sexy stars. Kung mayroong tulad niya, mayroon ding tulad ni Joyce Jimenez, na bukod sa pagiging magaling sa mga eksenang maseselan, magaling din sa pagbibigay-buhay sa kanyang papel bilang mangingibig, asawa, o kalaguyo. Mayroon din namang tumatapat sa dumb blonde girl archetype ng Hollywood tulad ni Rufa Mae Quinto. At kagaya nga ng itinanong ko, ngayon pa lamang muli lalabas ang mga tulad nina Coco Martin, at patuloy tayong maghahanap ng lalakeng tatapat sa Gardo Versoza at Albert Martinez para sa ating henerasyon. Lalo pang magiging higit na masalimuot ang paghahanap sakaling isara natin ang pinilakang tabing at maghanap ng mga kinatawan sa telebisyon, palimbag, at Internet.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s