Ilang Mga Tala Tungkol sa Digmaan at Pagsusulat

8. Madaling lumaya sa kinatatakutan kung nanaisin. Pero may mga pangyayaring hindi maikakailang binabalikan pa rin kahit pa masaktan at malungkot. Hindi madali ang mapabilang at makulong sa ganitong kabilugan, sapagkat sa bawat pagkabigo, nananatili pa rin tayong nag-aasam. At hindi ko rin alam, sa sarili kong pagkakulong, kung takot nga ba talaga ang nais kong balikan.

9. Isa sa mga ito: madaling tanggihang bawat pagtanggap, at mahirap tanggapin ang bawat pagtanggi. Sa mga ganitong pagkakataon, may kung anong ligaya sa masidhi at masaklap na pagtanggi: nabubuo ang pagkataong basag/sira. At sa pagkilalang ito, higit na nawawala ang pagdama natin/ko sa (salitang) takot. Sa pagtindi ng mga pagtanggi, laging lumilitaw ang mga tagumpay: hindi nagsisimula ang digmaan nang hindi ka nasasaktan, at lalo pa, Hindi masasabing nagkaroon ng digmaan hangga’t walang nasasaktan, at walang sumusuko.

10. Itinatanggi ng mga estero at imbornal ang pagpasok/panghihimasok ng tubig-ulan. Hindi nila kailangan ito. Hindi nila gustong magpalinis ng budhi, at kailanman, hindi sila natutong malunod. [Dagdag pa: hindi ba kailangan lamang nilang paanurin ang lahat?] Kaya ipinasa nila ito sa lahat ng humihingang nilalang: isusuka/isusuko ang lahat ng labis na tubig at hinahayaan na lang malunod ang lungsod. [Sila naman ang may kailangan ng tubig upang mabuhay, hindi ba?] Hindi nila kailangan ito. Kinailangan nilang magsalita sa pamamagitan nito, kailangan nilang lumaban.

11. Nabuhay ako sa panahon pagkatapos ng rebolusyon, pagkatapos ng mga buhay na parating nakaabang, natatakot sa susunod na pagsalakay. Kaya’t narito ang aking mga salita, alay sa kanila, alay sa kung ano ang isinusulong ko bilang bersyon ng aking laya. Nakalulungkot isipin na mga huwad na labanan lamang ang aming naabutan, at wala sa karanasan ang ‘armas’,’dahas’, at ‘hukbo’.

12. Kinukumutan ka ng aking titig / isang siyudad ang pag-ibig
At hindi lamang kita binibihisan, mahal. Binabalot ko na ng aking buong atensyon ang iyong nanlalamig na katawan, na wari bangkay. Pinagsamantalahan ka ng lungsod na inibig mo. Nais kong hilumin ng aking mga mata ang anumang bahaging kinukulang sa halaga [sa halip na marahas kitang tititigan hanggang sa kaagnasan].

13. Lahat ng mga gusali ay nananatili, at sa isang banda nagpapatuloy na pagtatangka. At madalas, nabubuo ang mga ito sa pamamagitan ng mga pangarap at pangangailangan. At ang mga salitang ito ay araw-araw at gabi-gabing nakikipagdigma. Katumbas ng lahat ng nais lumigaya ang [lahat din ng] nagpaparaya.

14. Nagsisimula ang mga digmaan dahil sa pag-ibig, tumitindi sa bawat pagtanggi.

15. Sabi ng kakilala kong guro, ang kalaban ngayon, ang bayani sana. Ulit: ang kalaban ngayon, dati sanang naging bayani.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s