Ang Sastre ng Kalye Muerte

Sa pag-unat ng medida alam na agad ang sukat
ng kaniyang makakaya: tantsado bago lumapat
sa balat ng yardang seda ang malapad na balikat
ng padron, palaylayan ng saya, hanggang manggas sa kapat

at sa mabilis na hagod, nagkatabas sa may tiklop.
Praktisado. Ni paglilip pantay-pantay dikit-dikit
makina pa ang napagod. Bawat himulmol at gusot
nakatago. Hindi malirip kung saan ang dating punit

ng paghablot o pagkuyom. Himala ng pasmang kamay
na kinuyumos sa pulang duruang puro aspili
at kalawanging karayom. Sa pahamak din nasanay
ang tuwinang pagbulang ng sinulid sa pagtahi.

Nang mauso ang banyagang makinang awtomatiko
wala nang nagtiyagang suki. Lahat nagsiliko
papuntang kabilang kanto, sa sale na RTW
at pantalong sinasanto, prusisyon hanggang mag-curfew.

Hindi siya nagpahuli. Sa bagay, may kurtina pa
at pundang wala sa ukay. Habang may pila, pinili
niya lamang manatili sa kampay ng mga paa,
habang sila ay naumay, nagsisi sa maling bili.

Kundi masikip, maluwang. Kundi hapit, nahubaran.
Nagsibalik ngayong buwan. Nagpatastas, binawasan.
“Sukat ko na itong baywang,” sabay higpit sa balakang.
“Sino nga ba ang may muwang sa inyong mga katawan?”

16 Marso 2015
mula sa isang koleksyon

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s